Mapupuwersa na ang ABS-CBN na maglabas ng listahan ng mga empleyado nitong kailangang sibakin sa mga susunod na linggo dahil sa kabiguan pa ring makapag ere matapos ang cease and desist order ng National Telecommunications Commission (NTC).
Ipinabatid ito ni ABS-CBN president at CEO Karlo Katigbak sa kaniyang pagharap sa joint meeting ng House Committees on Legislative Franchises at Good Governnment and Public Accountability na dumidinig sa mga panukala hinggil sa pagbibigay sa media giant ng panibagong 25-year franchise.
Binigyang diin ni Katigbak na nagsisikap silang ma protektahan ang kanilang mga empleyado habang suspendido ang kanilang broadcast operations subalit mayruong limitasyon ang mga ito.
Palaki ng palaki aniya ang kanilang lugi habang wala sila sa ere na nagtulak sa kanila para mag tanggal ng mga empleyado na ang kinabukasan ay nakasasalay sa Kongreso.
Umapela si Katigbak sa publiko na pakinggan ang tinig ng kanilang mga empleyadong mawawalan ng hanapbuhay at hindi aniya sila nagpapaawa lamang.
Sinabi ni Katigbak na nasasaktan siyang nakikita ang sitwasyon ng kanilang mga empleyado na itinuturing na rin niyang Kapamilya na natatakot mawalan ng trabaho sa gitna pa naman ng COVID-19 pandemic.