Pinaplantsa na ng ABS-CBN management ang proseso ng pagbabawas ng kanilang mga empleyado simula sa ika-31 ng Agosto.
Sa ipinalabas na kalatas ng Kapamilya Network, sinabi nitong ginagawa nila ang lahat para maibsan ang sakit na mararamdaman ng mga apektadong empleyado tulad nang pagbibigay ng separation pay at retirement benefits na naaayon sa batas, gayundin ang mga programang makatutulong sa kanila para makahanap ng bagong trabaho.
Inamin ng media giant na mahirap pakawalan ang kanilang mga kapamilya sa panahong walang kasiguruhan at puno ng pangamba dahil sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) subalit kailangan nilang gumawa ng paraan kahit masakit ito para sa kanila.
Binigyang diin ng media giant na ipinagdarasal nila ang mga empleyado nilang mawawalan ng trabaho at kanilang pamilya para pagkalooban ng lakas ng loob at matapang na humarap sa mga pagsubok.
Nagpasalamat din ang ABS-CBN sa kanilang mga empleyado sa lahat ng ginawa ng mga ito sa kumpanya.