Nagpapasalamat ang pamunuan ng ABS-CBN sa pagkakaapruba sa Kamara ng House Bill 6732 na nagbibigay sa media network ng anim na buwang provisional franchise para makapagpatuloy ng operasyon.
Sa inilabas na pahayag ng ABS-CBN, nagpapasalamat ito sa mga sponsor ng naturang panukala sa pangunguna ni House Speaker Alan Peter Cayetano at House Majority Leader Martin Romualdez sa pagkilala sa papel ng ABS-CBN sa pagbibigay ng access sa publiko ng balita, impormasyon, at entertainment ngayong may kinakaharap na pagsubok ang bansa dahil sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Kasabay nito, tiniyak ng ABS-CBN na handa silang tumugon sa proseso ng kanilang franchise renewal upang masagot ang mga isyu ibinabato laban sa network, sa mga nag-mamay-ari nito, sa management at tungkol sa mga empleyado nito.
Kabilang sa mga napaulat na isyu ay ang umano’y paglabag ng ABS-CBN sa labor laws at konstitusyon, umano’y pagiging election bias, problema sa pagbabayad ng tax, at foreign ownership.
Sa huli, nagpasalamat rin ang ABS-CBN sa lahat ng grupo at indibidwal na nagpakita ng suporta at pagmamahal sa network.