Pinaaampon na ng ABS-CBN ang mga programa nito sa Channel 11 o ZOE Broadcasting Network na pinatatakbo ni Jesus Is Lord (JIL) Leader at Cibac Party List Representative Eddie Villanueva.
Ibinunyag ito ng online news site na bilyonaryo.com.ph na nagsabing nag-uusap na sina Brother Eddie at mga Lopez hinggil sa pagsalba ng JIL leader sa mga programa ng Kapamilya network bago pa man magpasya ang kongreso na huwag i-renew ang prangkisa ng media giant.
Sinasabing naging puspusan ang pakikipagnegosasyon ng mga Lopez sa kampo ni Brother Eddie nang tumanggi na sa kanila ang TV 5 na pag-aari ni Manny Pangilinan.
Tiwala umano ang ABS-CBN na magkakaroon ng block time arrangement o isang mahabang channel lease agreement kung saan magagamit nito ang hanggang 18 oras sa isang araw para maka-ere sa broadcasting network ni Brother Eddie tulad nang ginawa ng JIL sa GMA noong 2005.