Naging matagumpay ang isinagawang absentee voting sa mga tauhan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa loob ng kampo ng Visayas Command (VisCom).
Ayon sa VisCom spokesperson Major Israel Galorio, naging maayos ang botohan ng mga sundalo sa loob ng tatlong araw at walang naitalang aberya sa mga balota.
Nabatid na nasa 44 na mga opisyal at enlisted personnel ang lumahok sa tatlong araw na absentee voting sa nabanggit na lugar.
Samantala sa naging pahayag ni Lt. Gen. Robert Dauz, ang commander ng VisCom, na nananatiling apolitical organization o hindi interesado ang kanilang hanay ngayong 2022 elections.
Sinabi ni Dauz na tanging sa panahon lamang ng absentee voting sila nagkakaroon ng partisipasyon sa pamamagitan ng malayang pagpili ng kandidatong kanilang iboboto.