Lusot na sa ikatlo at huling pagbasa sa Kamara ang panukalang Absolute Divorce and Dissolution of Marriage Bill.
Sa botong 134 na pabor, 57 na tutol at 2 abstention ay inaprubahan ng Kamara ang House Bill 7303.
Nakatakda naman i-akyat sa Senado ang naturang panukala bagaman wala pa itong counterpart bill doon.
Ang House Bill 7303 ay pinagsamang bersyon ng apat na panukala na iniakda ni Speaker Pantaleon Alvarez.
Naglalayon ang naturang panukala na bigyang pagkakataon ang mga mag-asawang lumaya sa hindi na maayos na pagsasama.
Pangulong Duterte, tutol sa Divorce Bill
Tutol si Pangulong Rodrigo Duterte sa isinisulong na Divorce Bill sa Kamara ng kaniyang kapartidong si Speaker Pantaleon Alvarez.
Inilabas ng Palasyo ang nasabing pahayag bago pa maaaprubahan sa ikatlo at huling pagbasa sa Kamara ang “Absolute Divorce and Dissolution of Marriage Bill”
Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na nababahala ang pangulo sakaling maisabatas ang diborsyo sa bansa dahil tiyak na kapakanan ng mga anak ang maisasa-alang-alang dito.
Dagdag pa aniya ni Pangulong Duterte na kapag nagkaroon ng diborsyo sa Pilipinas ay mawawalan ng karapatan magsampa ng kaso ang isang tao sa mga pabayang asawa.
Hindi na umano dapat pang pinag-aaksayahan ng panahon ang pagsusulong sa panuklang pagkakaroon ng diborsyo sa bansa.
Divorce Bill, hindi na dapat pagtuunan ng pansin—Atienza
Ito ang paniniwala ni Buhay Partylist Rep. Lito Atienza at kilalang nangungunang tutol sa pagsasabatas ng divorce bill sa Pilipinas.
Paliwanag ni Atienza, kahit pa aprubahan ang naturang panukala ay hindi pa rin ito makakalusot kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Pinaalala ng kongresista ang posisyon ng pangulo na hindi nito gustong magkaroon ng diborsyo sa Pilipinas
Kaniyang pinupuri si Pangulong Duterte sa paninidigang ito kahit marami umanong pabor sa pagsusulong ng naturang panukala.