Bukod sa Vatican City, ang Pilipinas ang natatanging bansa sa mundo kung saan ilegal pa rin ang divorce.
Ngunit posible na itong mabago dahil kamakailan lang, inapruba na ng House of Representatives sa ikatlo at huling pagbasa ang House Bill 9349 o mas kilala bilang “Absolute Divorce Bill.”
Sa kasalukuyan, makakawala lamang sa kasal ang mag-asawang Pilipino sa pamamagitan ng annulment, kung saan ginagawang null at void ang kasal. Sa madaling salita, binubura nito ang nangyaring pag-iisang dibdib sa pamamagitan ng pagdedeklarang hindi ito kailanman naging legal.
Iba ito sa divorce kung saan kinikilala at tinutuldukan ang legally valid na pagpapakasal ng dalawang tao.
Sa ilalim ng Absolute Divorce Bill, magiging grounds o basehan para sa divorce ang mga sumusunod:
- pananakit, pang-aabuso, o pagtatangka sa buhay ng naghain ng divorce o ng anak nito;
- pamimilit na magpalit ng relihiyon o political affiliation;
- pagtatangkang isangkot sa prostitusyon ang naghain ng divorce o ang anak nito;
- pagkakalulong sa droga, alak, o sugal;
- at pagtataksil o pagkakaroon ng anak sa ibang tao habang kasal pa.
Kung maisabatas ang Absolute Divorce Bill, idadagdag na ang divorce sa annulment bilang opsyon sa pagpapawalang-bisa ng kasal sa Pilipinas.
Bilang Katolikong bansa, marami ang tutol sa pagkakapasa ng naturang panukalang batas dahil ayaw nilang kalabanin ang kanilang relihiyon.
Ngunit ayon sa may-akda nitong si Albay 1st District Rep. Edcel Lagman, hindi divorce ang halimaw na sumisira sa kasal, kundi ang pagtataksil, pag-abandona, karahasan, at kalupitan.
Tuluyan mang ipasa o hindi ang Absolute Divorce Bill, hindi nito mapipigilan ang paghihiwalay ng mga mag-asawa, kaya mas maigi kung magkaroon na ng batas na susuporta sa mga Pilipinong gusto nang kumawala sa pagsasamang puno ng pang-aabuso at pananakit.