Gumagamit ng mga menor de edad na kabataan ang bandidong Abu Sayyaf para magbantay sa kanilang mga bihag, gawing runner at utusan.
Ito ang ginawang pagsisiwalat ng pinalayang bihag ng grupo na si Marites Flor kay incoming Peace Adviser Jesus Dureza.
Ayon kay Flor, pawang nasa edad 12 hanggang 15 anyos ang mga nagbabantay sa kanila habang palipat-lipat sila ng lugar partikular na sa mga bulubunduking bahagi ng Sulu.
Maliban sa mga kabataan, sinabi ni Flor na kasabwat din aniya ng ASG ang mga residente sa lugar na siyang nagbibigay proteksyon sa tuwing tutugisin sila ng militar.
Magugunitang pinalaya si Flor noong isang linggo habang hawak pa rin hanggang ngayon ang Norwegian na si Kjartan Sekkingstad.
By Jaymark Dagala