Kinumpirma ni Interior Secretary Eduardo Año na si Abu Sayyaf Leader Hatib Hajan Sawadjaan na ang kinikilalang bagong leader ng Islamic state sa Pilipinas batay sa quarterly report ng US Department of Defense.
Si Sawadjaan ang isa sa mga pangunahing suspek sa magkasunod na pambobomba sa Mount Carmel Cathedral sa Jolo, Sulu na ikinasawi ng mahigit 20 katao.
Gayunman, nilinaw ni Año na hindi si Sawadjaan ang kapalit ni Isnilon Hapilon bilang “Emir” ng ISIS sa Southeast Asia na napatay sa huling bahagi ng digmaan sa pagitan ng mga tropa ng gobyerno at Maute-ISIS sa Marawi City noong October 2017.
Dati anya ay si Abu Dar ang pinaniniwalaang pumalit kay Hapilon pero si Sawadjaan na ang naging pinaka-overall leader ng tinatawag na ISIS-Mindanao.
Kasalukuyang tinutugis ng militar si Sawadjaan kasama ang iba pang kapwa bandido sa Sulu matapos ang Jolo bombings.