Napatay ng mga awtoridad ang isang lider ng Abu Sayyaf na nakakasagupa ng mga sundalo at pulis sa Inabanga, Bohol.
Kinumpirma ito ng AFP o Armed Forces of the Philippines Central Command ang pagkamatay ni Muammar Askali alias Abu Rami.
Kahapon pa, Martes Santo nagsimula ang bakbakan sa pagitan ng mga awtoridad at mga bandido na ikinasawi na ng sampu (10) katao mula sa magkabilang panig.
Casualties
Pumalo na sa sampu (10) ang bilang ng nasawi sa bakbakan ng militar at Abu Sayyaf sa Bohol.
Ayon kay AFP o Armed Forces of the Philippines Spokesman Brig. Gen. Restituto Padilla, kabilang dito ang anim (6) na kalaban, isang opisyal, dalawang (2) sundalo at isang pulis.
Isa rin aniya ang sugatan sa pagpapatuloy ng clearing operations sa lugar at nasa mabuting kalagayan na ito.
“Sa panig ng ating operasyon ay maayos naman, ang isinasagawa po nating clearing operations ay hindi pa tapos, maganda ang naging tulong ng ating mga kababayan diyan sa may Inabanga, yung kanilang impormasyon sa ating mga tauhan at naaksyunan natin agad at na-prevent.” Ani Padilla
Samantala, aminado man na makakaapekto sa turismo ang nasabing bakbakan ay agad na kinalma ni Padilla ang mga turista na magbabakasyon sa lugar, aniya walang dapat ikabahala dahil nakatutok naman ang gobyerno sa sitwasyon.
“Huwag po kayong mag-alala ginagawa natin ang lahat ng makakaya, makikita niyo naman po na very proactive ang ating puwersa, ang Kapulisan sa pagtugon sa lahat ng klaseng banta sa paligid natin. Kontrolado naman po natin ang lugar, at maganda ang contingency plan ng local government para makalikas ang mga residente, na-implement nila agad so walang naging kumplikasyon. Ang lugar ng Inabanga ay medyo malayo sa mga famous attractions natin.” Dagdag ni Padilla
Pinasinungalingan din ni Padilla ang mga lumalabas na ulat na aabot sa 70 armadong lalaki ang lumusob sa Inabanga.
“Batay sa impormasyong hawak natin ang hinaharap pa po natin dito ay nasa bilang po ng sampu hanggang onse katao na armado lahat, ito pong hinaharap natin ngayon dito ay hindi ganun karami.” Pahayag ni Padilla
Residents
Tinatayang pitundaang (700) residente ng bayan ng Inabanga, Bohol ang lumikas sa takot na maipit sa bakbakan ng mga tropa ng gobyerno at hinihinalang miyembro ng Abu Sayyaf.
Ayon kay Inabanga Mayor Josephine Socorro Jumamoy, nananatili sa tatlong magkakahiwalay na evacuation centers ang mga residenteng naapektuhan ng sagupaan.
Tiniyak naman ni Bohol Governor Edgardo Chatto na sa loob lamang ng barangay Napo, Inabanga nagaganap ang bakbakan at nananatiling ligtas ang malaking bahagi lalawigan kaya’t walang dapat ikabahal ang mga turista maging ang mga Boholano.
ByDrew Nacino | Katrina Valle | AR | Ratsada Balita (Interview) | Judith Larino
Abu Sayyaf leader patay sa sagupaan sa Inabanga Bohol was last modified: April 12th, 2017 by DWIZ 882