Napatay ng mga pulis ang miyembro ng Abu Sayyaf, isang araw matapos itong maaresto sa Tubigon Bohol.
Ayon kay Chief Supt. Noli Taliño, hepe ng PNP Region 7, inagawan ng suspect na si Saad Samad Kiram alias Saad ang isa nilang pulis kayat napilitang barilin ito ng mga pulis.
Alas-2:00 ng madaling araw ng Biyernes nakatakda sana anya nilang ilipat sa BJMP District Jail si Saad subalit nagpaalam itong pupunta ng palikuran dahil sa sakit ng kanyang tiyan.
Gayunman, sa halip na sa comfort room magtungo ay tumakas na itong si Saad.
Halos dalawang oras ring tumagal ang habulan bago nasukol ng mga pulis si Saad at dito na naganap ang pang-aagaw niya ng baril.
Kaugnay nito, may hawak nang mahalagang impormasyon ang militar hinggil sa Abu Sayyaf sa Bohol.
Nakuha di umano ng Armed Forces of the Philippines o AFP ang mga impormasyon kay Saad Samad Kiram alias Abu Saad, ang miyembro ng Abu Sayyaf na naaresto ng Huwebes pero napatay ng Biyernes matapos na magtangkang tumakas.
Boluntaryo di umanong ikinumpisal ni Saad ang hinggil sa kanilang mga plano, ang komposisyon ng kanilang grupo at kung ano ang mga kaya nilang gawin.
Nakumpirma rin umano ng militar at pulisya kay Saad na watak-watak na ang grupo nilang nagtungo sa Bohol dahil sa sunod-sunod na operasyon ng awtoridad laban sa kanila.
Si Saad ang miyembro ng Abu Sayyaf na ire-rescue sana ni Supt. Maria Cristina Nobleza at lover nitong ASG member na si Renoor Lou Dongon subalit nahuli sila ng awtoridad.
Sa ngayon, dalawang (2) sugatang abu sayyaf member na lamang sa Bohol ang pinaghahanap ng awtoridad.
By Len Aguirre | with report from Jonathan Andal (Patrol 31)
Abu Sayyaf member na naaresto sa Bohol patay makaraang tumakas was last modified: May 5th, 2017 by DWIZ 882