Nagbanta ang Abu Sayyaf Group o ASG na maglulunsad ito ng mga pag-atake sa mga kampo ng militar.
Ito’y sa harap na rin ng isinasagawang all-out offensive ng Armed Forces of the Philippines o AFP laban sa extremist group sa Jolo, Sulu.
Inihayag naman ni Pangulong Rodrigo Duterte na inaasahan na niyang gaganti ang ASG sa serye ng mga opensiba ng militar.
Giit ni Duterte, hindi siya palaaway pero kung giyera ang gusto ng Abu Sayyaf ay pagbibigyan niya ang mga ito.
Matatandaang 15 sundalo ang nasawi sa bakbakan sa Sulu habang 30 naman ang nalagas sa panig ng Abu Sayyaf.
Una rito, nangako si Pangulong Duterte na tutulungan niya ang pamilya ng mga namatay na sundalo kasabay ng bantang dudurugin niya ang bandidong grupo.
Evacuation
Libu-libong mga residente na ang lumikas dahil sa kumalat na text message na nagsasabing pag atake ng Abu Sayyaf Group sa Jolo, Sulu.
Ayon sa ilang residente, kailangan na lumikas sila sa mas ligtas na lugar upang hindi madamay at maipit sa kaguluhan.
Maraming paaralan sa lugar ang nagsara kahapon dahil sa banta ng pag-atake.
Minaliit naman ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang bantang ito ng ASG.
Ayon sa militar, wala nang kakayahang umatake ang mga bandido at nagtatago na ang mga ito sa kabundukan.
By Jelbert Perdez | Rianne Briones