Nabiktima ng basag kotse gang si ACT-CIS Party-list Representative Rowena Niña Taduran sa parking area ng isang mall sa Aurora Blvd., Quezon City.
Binasag ng mga suspek ang salamin sa likuran ng driver seat at nakuha ang mga personal na gamit ng kongresista tulad ng House issued laptop, cellphone, alahas, at cash.
Sinasabing nasa P240,000 ang halaga ng mga natangay na gamit sa sasakyan ni Taduran.
Dismayado si Taduran nang mabatid na walang CCTV camera ang parking area ng mall.
Nabatid na kumain lamang ang anak ni Taduran sa nasabing mall matapos siyang ihatid sa Malacañang para sa ceremonial signing ng 2020 national budget at pagbalik sa parking area ay nakita na ang basag na salamin ng sasakyan.
Samantala, sa inilabas na pahayag ng pamunuan ng mall sinabi nitong kaagad nilang binigyan ng assistance ang kongresista kasama ang kanilang security agency at sinamahan ito sa pagre-report ng insidente sa mga otoridad.
Kasalukuyan nang iniimbestigahan ng mga otoridad ang nasabing insidente.