Sumugod sa Mendiola ang mga miyembro ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) sa pagbubukas ng klase ngayong school year 2020-2021.
Isinisigaw ng mga naturang guro, bitbit ang kanilang mga placards, ang pagpopondo sa ligtas na pagbabalik-eskuwela at anila’y pagpapabaya ng Pangulong Rodrigo Duterte sa edukasyon ng bansa.
Nagpakawala rin ng malalakas na busina mula sa kanilang mga sasakyan ang mga miyembro ng ACT para ipanawagan sa Pangulong Duterte na pagtuunan ng pansin ang sitwasyon ng education sector.
Una nang ipinabatid ni ACT Philippines Secretary General Raymond Basilio na hindi pa nakahanda ang mga kailangan para sa blended learning tulad ng printed modules gayung magbubukas na ngayong araw na ito ang klase.
Ngayong araw na ito rin ipinagdiriwang ang World Teacher’s Day.