Dalawang linggo bago ang pagbubukas ng klase, hinimok ng ACT o Alliance of Concerned Teachers ang gobyerno na suspendihin ang K-12 Program.
Ayon kay ACT National Chair Benjie Valbuena, kulang sa preparasyon ang pamahalaan, lalo na sa mga pasilidad, equipment, pagha-hire, training at sahod ng mga guro.
Giit ni Valbuena, tatlong taon mula nang ipatupad ang K-12 ay kumbinsido itong hindi pa rin handa ang bansa.
Tinukoy ng ACT ang P68.7 billion na inilaan noong isang taon para sa mga silid-aralan, subalit P2.9 billion o 4.22 percent lamang ang nai-release para rito.
Maghahain din ng petisyon ang grupo sa Korte Suprema sa Mayo 28 laban sa K-12 Program.
Bukod pa rito, sa mismong pagbubukas ng klase sa Hunyo 1 ay aabot sa 200,000 ACT members ang magpoprotesta laban sa nasabing programa sa iba’t ibang panig ng bansa.
By Jelbert Perdez