Lalo pang tumaas ang bilang ng mga aktibong kaso ng COVID-19 sa hanay ng Philippine National Police (PNP) na ngayo’y nasa 1,750.
Ayon ito sa Administrative Support to COVID-19 Operations Task Force (ASCOTF) makaraang madagdagan pa ng 171 ang kaso ng COVID-19 sa PNP kaya’t pumalo na sa 13,828 ang kabuuang kaso nito batay sa datos mula sa PNP Health Service.
Ayon kay ASCOTF Commander at Deputy Chief PNP for Administration P/LtG. Guillermo Eleazar, nalagpasan na nito ang 1,708 active cases sa PNP na naitala nuong Setyembre a-12 ng nakalipas na taon.
Nangunguna ang National Operations Support Unit sa may pinakamataas na bilang ng bagong kaso na nasa 63 kung saan, pinakamarami sa mga ito ang mula sa Special Action Force (SAF) na may 14.
Sinundan ito ng NCRPO na may 38 bagong kaso, 17 naman sa National Administrative Support Unit, 13 sa ILOCOS, 8 sa CENTRAL LUZON, 6 sa National Headquarters at nasa 5 naman sa CALABARZON.
Tig-4 ang naitala sa MIMAROPA, Western Visayas at Cordillera, 2 ang naitala sa BICOL habang tig-1 ang naitala sa Davao at Caraga Regions.
Samantala, nadagdagan naman ng 70 ang bagong gumaling sa sakit sa hanay ng PNP kaya’t sumampa na sa 12,042 ang total recoveries habang nakapako naman sa 36 ang nasawi dahil sa COVID-19. —ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9)