Muling tumaas sa halos apatnaraan ang aktibong kaso ng COVID-19 sa hanay ng Philippine National Police (PNP) sa nakalipas na araw.
Ito’y batay sa datos ng PNP health service ay makaraang umabot sa 392 ang bilang ng mga aktibong kaso ng COVID-19 sa PNP.
Una rito, nadagdagan ng 42 ang bagong kaso ng virus sa Pambansang Pulisya kaya’t sumampa na sa 9,464 ang kabuuang bilang nito.
Bumandera ang National Capital Region Police Office (NCRPO) sa nakapagtala ng maraming bagong kaso na nasa 18 habang tig- lima naman ang naitalang bagong kaso sa national operations at administrative support units.
Tatlo ang naitala sa Northern Mindanao, tig-dalawa ang naitala sa Eastern at Central Visayas habang tig isa naman ang naitala sa Cagayan Valley, CALABARZON, Zamboanga Peninsula, Davao, Soccsksargen, Cordillera at Bangsamoro Autonomous Region.
Gayunman, nakapagtala rin ang PNP, ng 23 bagong gumaling sa sakit dahilan upang umakyat na sa 9,044 ang kabuuang bilang nito.
Habang nananatili sa 28 ang kabuuang bilang ng mga nasawi sa hanay ng PNP dahil sa naturang virus.