Posibleng lumobo sa mahigit 52,000 ang active COVID-19 cases sa bansa pagsapit ng Disyembre 15 kung luluwagan pa ang galaw ng mga tao at patuloy ang paglabag sa health protocols.
Ayon kay DOH–Epidemiology Bureau Director, Dr. Alethea De Guzman, ang kanilang projections ay batay sa mobility sa mga lugar, vaccination coverage, detection-to-isolation time at pagtalima sa minimum public health standards.
Posible namang bumaba hanggang 2,113 ang active cases kung mananatili ang limitadong mobility, pagtalima sa public health standards, detection-to-isolation time at magkakaroon ng improvement ang vaccination rate.
Aminado naman si De Guzman na bagaman hindi nila mapipigilan ang mga tao sa paglabas o pagbiyahe, dapat maging strikto pa rin ang gobyerno sa health protocols.
Nilinaw naman ng DOH official na noon pang isang linggo nakalap ang datos na kanilang ginamit sa projection na iprinesenta sa Inter-Agency Task Force Against Emerging Infectious Diseases. —sa panulat ni Drew Nacino