Nangako ang Administrasyong Aquino na kanilang gagawin ang lahat para masagip ang dinukot na hepe ng pulisya sa bayan ng Governor Generoso sa Davao Oriental.
Ayon kay Presidential Communications Secretary Sonny Coloma, marami pa aniya ang posibleng mangyari para mapalaya si C/Insp. Arnold Ongachen kahit pa mahigit dalawang linggo na lamang ang nalalabi sa kanilang termino.
Una rito, sinabi ni incoming President Rodrigo Duterte na hindi na siya intresadong sagipin pa si Ongachen sa kamay ng rebeldeng New People’s Army o NPA bunsod ng pagkakasangkot nito sa operasyon ng iligal na droga.
Ipinauubaya na rin ni Duterte sa Kangaroo Court ng NPA ang paglilitis sa mga mahuhuli nilang alagad ng batas na sangkot sa mga iligal na gawain tulad ng ipinagbabawal na gamot.
Kaugnay dito, magtatrabaho si Pangulong Noynoy Aquino hanggang sa huling araw ng kanyang termino sa June 30.
Inihayag ito ni Presidential Communications Secretary Sonny Coloma sa harap ng obserbasyon na bihira nang makita ang Pangulo sa publiko.
Tiniyak ni Coloma na on-the-job pa rin ang Pangulong Aquino hanggang sa katapusan ng Hunyo at hinaharap pa rin ang mga isyu sa bansa bilang nakaupong Pangulo ng Republika.
Sa katunayan aniya, abala ang Presidente sa pagpirma ng mga Enrolled Bill mula sa Kongreso.
By: Jaymark Dagala / Meann Tanbio