Tila may problema sa pag-uugali ang administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte dahil sa patuloy nitong pagtanggi na may problema sa ginagawa nilang hakbang kontra COVID-19.
Ito’y ayon kay Senate Minority Leader Franklin Drilon bilang paghahayag ng pagkadismaya sa pagtanggi ng pamahalaan na hindi maituturing ang pilipinas bilang COVID-19 hotspot sa timog-silangang Asya.
Sa akin, talagang may problema ang kanilang attitude. Unang-una, hindi mo maiwasan na ang ating bansa ay nangunguna sa contamination. Tayo rin ang malaki ang contraction ng ekonomiya. Ngayon sinasabi nila na hindi totoo na number one tayo (sa may pinaka mataas na COVID-19 cases sa Southeast Asia),” ani Senator Franklin Drilon sa panayam ng DWIZ.
Ayon kay drilon, hindi naman contest ang pandemya sa COVID-19 na kailangang mag-unahan ang mga bansa sa paramihan ng mga naitatalang kaso kung hindi laban ito ng healthcare system.
Ako ay naniniwala na hindi ito pagalingan, hindi ito contest, hindi ito race between ASEAN nations. Sa akin, it is a race between the virus and our health system. Ito ay laban ng unseen enemy at ng ating health system,” dagdag pa ni Drilon.
Magugunitang inihayag ni Inter-Agency Task Force (IATF) at Presidential spokesman Secretary Harry Roque na hindi nauungusan ng Pilipinas ang Indonesia sa may pinakamaraming kaso ng COVID-19.
Sinabi ng kalihim na kaya dumarami ang naitatalang bilang ng mga aktibong kaso ay dahil sa mas malakas na testing capacity ng Pilipinas kumpara sa Indonesia.