Naglatag ng hakbang ang Administrasyong Duterte na tutugon sa inflation rate at pagsirit sa presyo ng langis sa bansa.
Ito ay matapos lumago ng 5.4% noong nakaraang buwan ang inflation rate kasabay ng pagtaas ng presyo ng gasolina at diesel sa bansa.
Ayon kay Secretary Martin Andanar ng Presidential Communications Operations Office (PCOO), kabilang sa naging hakbang ng Administrasyong Duterte ay ang pagbibigay ng fuel subsidy program para sa mga driver at operators.
Bukod pa dito, nagsagawa din ng Service Contracting Program ang pamahalaan para sa mga commuters at drivers, at libreng sakay sa MRT 3 hanggang sa pagtatapos ng termino ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Hunyo a-30.
Bukod pa dito, inaprubahan narin ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB) ang P33 na increase sa daily minimum wage sa Metro Manila noong Hunyo a-4.
Sa kabila nito, iginiit ni Andanar na hindi sususpindihin ni Pangulong Duterte ang excise tax sa langis sa kabila ng panawagan ng maraming grupo dahil mas mabuting harapin ito ng papasok na Administrasyong Marcos.