Patuloy na tututukan ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. ang prayoridad niyang sugpuin ang kahirapan sa Pilipinas.
Ayon kay National Economic and Development Authority (NEDA) Secretary Arsenio Balisacan, layon nilang mapababa ng 9% ang poverty incidence sa bansa bago man bumaba sa pwesto ang Pangulo sa 2028.
Naging usap-usapan sa social media ang inilabas na resulta ng Social Weather Stations kung saan naipakitang halos 50% ng pamilyang Pilipino ang naniniwalang mahirap ang kanilang pamumuhay. Matatandaang isinagawa ang survey mula September 21 hanggang October 1, 2023.
Mapapansin na isinagawa ang survey matapos ang sunod-sunod na pagtama ng bagyo sa bansa, na lubos na nakaapekto sa presyo ng mga bilihin, partikular na ng pagkain ayon kay Secretary Balisacan. Dagdag pa niya, mas mataas ang food inflation noong Setyembre kumpara noong Hunyo ngayong taon dahil sa supply disruptions.
Ginagawan ito ng aksyon ng administrayong Marcos. Nariyan ang Food Stamp Program, pagpapatigil sa koleksyon ng pass-through fees sa mga sasakyang may dalang produkto, at distribution ng cash aid sa ilalim ng Rice Farmers Financial Assistance program. Ang mga ito ay nagbibigay ng immediate assistance sa mga lubos na nangangailangan, partikular na sa mga pinakamahirap na pamilya.
Prayoridad din ng administrasyon ang mga polisiya at programa na naglalayong makagawa at makapagbigay ng mas maraming high-quality jobs dahil ito ang pinakamatibay at epektibong paraan para malabanan ang kahirapan.
Matatandaang para manatili sa Food Stamp Program, kinakailangang mag-enroll ang beneficiaries nito sa job-generating programs ng Department of Labor and Employment (DOLE) at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA). Required rin ang beneficiaries na magbigay ng certificate bilang patunay na naghahanap sila ng trabaho mula sa DOLE o TESDA.
Ayon kay Department of Social Welfare and Development Undersecretary Eduardo Punay, layon ng requirement na itong tuldukan ang culture of dependency ng mga Pilipino. Tinitiyak nito na hindi na aasa lang sa ayuda ang mga mabibigyan.
Bukod sa mga ito, palalawakin din ng pamahalaan ang merkado, aayusin ang mga imprastraktura, at mang-aakit ng mas maraming strategic investments. Nagpatupad na rin ng mga hakbang ang administrasyong Marcos para mapabilis ito, katulad ng pag-aayos sa Regional Comprehensive Economic Partnership at pag-establish ng green lanes for strategic investments. Tuloy-tuloy rin ang pagpapatupad sa mga programang nakatutok sa pagmo-modernisa ng agrikultura.
Ayon kay Secretary Balisacan, dahil sa strategies at whole-of-society approach ng pamahalaan, optimistic silang matutupad ang target nilang mapababa ang poverty rate sa Pilipinas ng 9% pagsapit ng 2028.