Sabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., hindi niya kayang tiising makakita ng isang kapwa Pilipino na naghihirap dahil lang sa kakulangan sa healthcare facilities sa bansa. Kaya naman tutok ang administrasyon niya sa pagpapatayo ng bagong healthcare centers para mapaunlad ang kalidad ng healthcare system sa Pilipinas.
Ayon sa ikalawang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Marcos Jr. noong July 24, 2023, sinabi niyang kasalukuyang sumasailalim sa structural enhancements ang healthcare system ng bansa. Sa katunayan, noong 2022, higit sa 3,400 projects ang nakumpleto sa ilalim nito.
Higit sa 60 specialty centers ang binuksan na sa publiko upang ma-improve ang kapasidad ng specialized medical treatment. Kabilang dito ang Clark Multi Specialty Medical Center sa Pampanga na layong magbigay ng topnotch medical care sa mga pasyente nito sa pamamagitan ng comprehensive range of specialized departments gaya ng heart, kidney, cancer, at pediatric centers.
Hinihikayat din ni Pangulong Marcos Jr. ang local government units (LGUs) na maglagay ng health facilities sa kanilang lugar at suportahan ang Philippine Health Facility Development Plan 2020-2040.
Ang Philippine Health Facility Development Plan ang nagsisilbing overall strategy para sa infrastructure at medical investments ng bansa. Ipinagtibay ito ng Memorandum circular no. 26 na nilagdaan noong July 25, 2023. Hinihimok ang LGUs na gumawa ng mga panukala na makatutulong sa paglikha ng primary care at healthcare provider networks.
Samantala, pinangunahan ni Pangulong Marcos ang inagurasyon ng Healthway Cancer Care Hospital sa Taguig noong November 24, 2023. Ito ang pinakaunang cancer hospital sa Pilipinas na bunga ng pagdalo ng Pangulo sa 2023 Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) Summit.
Bukod dito, matatandaang noong October 24, 2023, inaprubahan ni Pangulong Marcos Jr. ang pagtatatag ng Universal Health Care Coordinating Council. Titiyakin nito ang mas epektibong implementasyon ng Republic Act No. 11223 o Universal Healthcare Law kung saan automatically enrolled ang lahat ng Pilipino sa National Health Insurance Program.
Sabi nga ni Pangulong Marcos Jr., kahit gaano ka-successful ang isang tao sa kanyang career, hindi pa rin niya mae-enjoy ang tagumpay niya kung hindi naman maayos ang kanyang kalusugan. Sa mga aksyon ng administrasyong Marcos, makasisiguro tayong magkakaroon ang bawat Pilipino ng de-kalidad at abot-kayang serbisyong pangkalusugan.