Ibinunyag ng Philippine National Police o PNP na naresolba na ang 21,306 administrative cases na kinasasangkutan ng mga tiwali at pasaway na pulis mula July 2016 hanggang May 4, 2022.
Batay sa datos mula sa PNP Directorate for Personnel and Records Management o DPRM, sinabi ni PNP Officer-In-Charge PLTGEN Vicente Danao Jr. na sa nasabing bilang, 5,652 ang sinibak sa serbisyo, 1,150 ang na-demote, at 10,650 ang sinuspinde.
Maliban dito, may 853 rin na mga alagad ng batas ang pinatawan ng salary forfeiture, 2,491 ang ni-reprimand ang sinabon, at mahigit limang daan naman ang ginawaran ng mas mababang parusa.
Ayon kay Danao, base pa rin sa datos, sa 716 PNP personnel na nadawit sa drug-related cases ay 504 personnel na kinabibilangan ng sampung Police Commissioned Officers (PCOs), 479 Police Non-Commissioned Officers (PNCOs) at 15 Non-Uniformed Personnel (NUP) ang tinanggal sa trabaho matapos mapatunayang gumagamit ng ipinagbabawal na droga habang 183 iba pa ang dinismis din dahil sa iba pang drug-related cases.
Giit ni Danao, hindi kinukunsinti ng PNP ang sinumang miyembro ng organisasyon na lumalabag sa batas at nasasangkot sa ilegal na aktibidad.
Binigyang-diin ni Danao na seryoso ang liderato ng PNP na itama ang lahat ng kamalian at parusahan ang dapat parusahan sa kanilang hanay dahil sa bandang huli ay hindi lang ang pambansang pulisya ang makikinabang dito kundi maging ang mamamayang Pilipino na kanilang pinagsisilbihan at pinoprotektahan.