Nagpahayag ng kahandaang makipagtulungan sa mga otoridad si Jimmy Watkins, ang administrator ng online messaging board na 8chan na iniuugnay sa mass shooting sa Christchurch, New Zealand at El Paso, Texas.
Ito’y matapos ipatawag ng house committee on homeland security ng America si Watkins na napaulat na nakabase sa Pilipinas.
Ayon kay Police Lt. Col. Elpidio Ramirez, Chief ng Cyber Patrolling and Intelligence Unit ng PNP-ACG, sa twitter post ni Watkins, sinabi nito na handa siyang makipag-usap para sa ikauusad ng imbestigasyon.
Kasabay nito, tiniyak rin aniya ni Watkins na hindi siya isang terorista.
Samantala, lumitaw na rin ang creator ng 8chan na si Frederick Brenan na sinasabing naninirahan din ngayon sa bansa.
Ayon kay Brena, ginawa niya ang 8chan noong 2013 ngunit kaniya na itong naibenta kay Watkins.
Nanawagan na rin si Brenan na isara na lang naturang site.
Sinasabing ipinost muna ng mga suspek sa 8chan ang planong mass shooting sa mga nabanggit na lugar bago ito isinagawa.