Kapwa tumanggi sa paratang ni Peter Joemel Advincula o alyas Bikoy ang Ateneo Manila De University (ADMU) at Dela Salle University (DLSU).
Batay sa inilabas na pahayag ni University Pres. Fr. Jose Ramon Villarin, iginiit nito na walang anumang inorganisang pagpupulong ang unibersidad sa mismong campus nito para sa oposisyon.
Wala rin umanong kinalaman ang unibersidad sa planong destabilisasyon sa administrasyon Duterte.
Dahil dito hindi aniya nila isinasantabi ang mga legal na hakbang para papanagutin si Bikoy sa mga mapanira nitong pahayag laban sa unibersidad.
Samantala iginiit din ni Donna Patricia Manio, head ng DLSU Media and Public Affairs na walang anumang pulong ang naganap sa kanilang unibersidad patungkol sa mga kahina-hinala o kwestiyonableng aktibidad.
Kasabay nito, hinimok ni Manio ang publiko na maghinay-hinay sa pagpapalabas ng mga akusasyon na hindi naman dumaan sa masusing pagsisiyasat at walang matibay na ebidensya.