Nakumpleto na ang sworn affidavit ni retired SPO3 Arthur Lascañas hinggil sa nalalaman nito sa DDS o Davao Death Squad.
Ipinabatid sa DWIZ ni Atty. Alex Padilla, tumatayong abogado ni Lascañas at miyembro ng FLAG o Free Legal Assistance Group, na aabot sa mahigit sampung (10) pahina ang affidavit ng kanyang kliyente.
“Meron na po kaming nagawa at natapos sa kanya pero again ito po ay ipe-presenta lamang namin in public para siya mismo ang magtestigo, siya mismo ang maglagda, at underoath sa Senado.” Ani Padilla
Binigyang-diin ni Padilla na may dahilan si Lascañas kung bakit siya bumaliktad.
Matatandaang sa paglutang ni Lascañas sa Senado, idinawit nito si Pangulong Rodrigo Duterte na siya umanong utak ng DDS.
“Maski ako nagulat ako sa mga pinagsasabi niya, nadala ako sa mga pinagsasabi niya, nalula din ako sa dami ng kanyang nalalaman, ako personal naniniwala ako na talagang totoo ang kanyang sinasabi.” Pahayag ni Padilla
Senate probe
Samantala, kumpiyansa si Senate Minority Leader Ralph Recto na masusunod ang napagkasunduan nila sa caucus na ituloy ang imbestigasyon kay retired SPO3 Arthur Lascañas.
Ayon kay Recto, nagkaroon sila ng agreement sa caucus na pakinggan ang isisiwalat ni Lascañas makaraang umamin na siya ay dating lider ng Davao Death Squad (DDS).
Sa panig naman ni Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs Chairman Panfilo Lacson, sinabi nito na kailangan munang magsumite ng sinumpaang-salaysay si Lascañas para masuri kung ano ang magiging testimonya nito kapag sumalang na sa pagdinig ng Senado.
Naniniwala si Lacson na tuloy ang Senate inquiry, maliban na lamang kung gumawa ng paraan ang mga kaalyado ni Pangulong Rodrigo Duterte para ito’y maharang.
By Meann Tanbio | Ratsada Balita (Interview) | Meann Tanbio | Report from Cely Bueno (Patrol 19)