Maaaring matanggap na ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre hanggang sa susunod na linggo ang affidavit ni Janet Lim Napoles.
Sinabi ni Aguirre na ito ay batay sa pahayag ng abogado ni Napoles na si Atty. Stephen David na malapit nang matapos ang sinumpaang salaysalay ni Napoles na umano’y magdadawit kina Senators Franklin Drilon, Leila de Lima at Antonio Trillanes IV gayundin kay dating Department of Budget and Management o DBM Secretary Butch Abad sa multi-billion peso pork barrel scam.
Sinabi ni Aguirre na ipinaabot sa kanya ng abogado ni Napoles na si Atty. Stephen David na kakasuhan nila sa mga susunod na araw sa DOJ o Department of Justice ang 3 senador at si Abad.
“Ang sabi niya sa akin ang impression ko is either this week or next week eh, a matter of days daw eh sakaling may application for Witness Protection Program ang gagawin namin ay i-aanalyze namin, i-aassess at i-eevaluate kung siya ay kuwalipikado to be under WPP, kung yan naman ay diretsong inihain sa DOJ prosecutors, we are going to start the investigation, most probably we’re going to form a panel.” Ani Aguirre
Tiniyak din ni Aguirre na walang magiging epekto ang panibago nilang imbestigasyon sa mga dating kaso kaugnay sa pork barrel scam na naisampa at nadesisyunan na.
Kasabay nito, nilinaw din ni Aguirre na walang paghihiganti sa nasabing usapin dahil ang mga nagkasala sa batas partikular ang mga aniya’y lumapastangan sa kaban ng bayan ay dapat managot.
“Yung ibang ifa-file ni Janet Napoles na mga kaso sa additional lawmakers ay hindi makakaapekto sa mga naka-file na, kaya’t hindi po tama ang pinapakalat ng ilan na si Janet Lim Napoles in exchange daw sa kanyang pagtestigong ito ay pakakawalan, hindi po siya pakakawalan, mananatili po siyang naka-detine, kung alin ang idinedemanda, kung alin ang nasa affidavit ng mga nag-complain, yun po ang ating iimbestigahan, wala po tayong pipiliin.” Pahayag ni Aguirre
Black propaganda
Samantala, tinawag naman na black propaganda ng dalawang (2) senador ang pagdawit sa kanila ni Janet Lim Napoles sa PDAF scam.
Ayon kay Senador Franklin Drilon, ang nasabing aksyon ni Napoles ay political harassment para mapatahimik ang mga nasa oposisyon.
Tahasan namang inakusahan ni Antonio Trillanes IV si Justice Secretary Vitaliano Aguirre nang pakikisabwatan kay Napoles para idiin ang mga kritiko ng Pangulong Rodrigo Duterte.
Sinabi ni Trillanes na ginagamit ni Aguirre ang kanyang tanggapan para i-harass ang mga miyembro ng oposisyon sa pamamagitan nang pag-imbento ng mga testimonya mula sa mga pekeng convicts o detainees tulad ng NBP drug lords, Kerwin Espinosa at ngayon aniya si Napoles.
Mahigpit ding itinanggi ni De Lima ang pagkakasangkot sa PDAF scam at tanging ang Office of the Ombudsman lamang ang makakapag-desisyon sa isasampang kaso laban sa kanya ni Napoles.
By Judith Larino | Katrina Valle | Ratsada Balita (Interview)
Affidavit ni Napoles inaasahan ng DOJ sa susunod na linggo was last modified: May 30th, 2017 by DWIZ 882