Nabunyag na pirmado na ang affidavit ni Senadora Leila de Lima bago pa sila magkita ng notaryo publiko sa kaniyang piitan sa PNP Custodial Center nuong Pebrero 24.
Ito ang inihayag ni Supreme Court Associate Justice Presbitero Velasco makaraang umamin sa kaniya ang notaryo publiko na si Atty. Ma. Cecile Tresvalles – Cabalo na nilabag nito ang rules on notarial practice.
Sa pagpapatuloy ng oral arguments ng Korte Suprema sa mga petisyong inihain ni De Lima kaugnay sa mga kasong kaniyang kinahaharap, sinabi ni Velasco na dapat magkaharap ang abogado at kliyente sa paglagda ng nasabing mga affidavit.
Una nang isiniwalat ni Solicitor General Jose Calida na pineke umano ni De Lima ang ilang jurat o impormasyon sa kaniyang affidavit dahil hindi naman magkaharap ang senadora at ang abogadong naglabas at gumawa ng nasabing dokumento.
By: Jaymark Dagala