Welcome para sa mga opisyal ng militar at defense ang plano ni Pangulong Rodrigo Duterte na magsagawa ng joint military exercises ang Pilipinas at China.
Matatandaang inihayag ng Pangulo ang nasabing plano matapos na inspeksyunin nito ang isang Chinese warship na nakadaong sa Davao City nitong Lunes.
Ayon kay Armed Forces of the Philippines o AFP Chief of Staff General Eduardo Año, maraming bagay ang maaaring matutunan ng China sa Pilipinas at ganun din naman ang Pilipinas sa China tulad ng humanitarian assistance and disaster response, anti-piracy at counter terrorism scenarios.
Ngunit para magawa ito ay dapat na nakapaloob ito sa isang VFA o Visiting Forces Agreement upang maging malinaw ang protocol at kung tumatalima ito sa mga umiiral na kasunduan sa mga kaalyadong bansa.
Gayundin ang naging posisyon ni Defense Secretary Delfin Lorenzana, aniya, kung sakali ay ito ang kauna-unahang pagkakataon na tatapak ang mga sundalong Tsino sa Pilipinas kaya’t marapat na mayroong VFA na maipasa ang Kongreso ukol dito.
By Rianne Briones
AFP at Defense bukas sa joint exercise sa China was last modified: May 3rd, 2017 by DWIZ 882