Patuloy na nakabantay ang militar at pulisya sa mga pinakahuling pangyayari kaugnay sa traslacion ng Itim na Nazareno ngayong araw.
Ito’y sa kabila ng mga naunang ulat hinggil sa umano’y banta ng mga terorismo o pag-atake kasabay ng nasabing pagtitipon.
Ayon kay AFP Public Affairs Office Chief Col. Edgard Arevalo, walang dapat ikabahala ang mga nagnanais pang humabol o dumalo sa traslacion dahil maigting ang kanilang inilatag na seguridad.
Gayunman, umapela si Arevalo sa publiko na makipagtulungan at ipagbigay-alam sa mga awtoridad ang mga kahina-hinalang pagkilos ng ilang indibiduwal upang matiyak ang kaligtasan ng mga kalahok sa prusisyon.
Samantala, kuntento si Pangulong Rodrigo Duterte sa mga preparasyon para sa traslacion ng imahen ng Itim na Nazareno sa Maynila sa kabila ng mga banta sa seguridad.
Ayon kay Presidential Communications Assistant Secretary Ana Maria Banaag, kung mayroon mang ipinapangamba ang Pangulo, ito ay ang posibleng pagganti ng mga terroristang grupo.
Hindi anya magandang halimbawa para sa iba pang malaking event sa Metro Manila o ilang bahagi ng bansa kung isasabotahe ang pista ng Itim Nazareno kaya’t batid ng pangulo na ginagawa ng PNP, AFP maging ng local government units ang kanilang tungkulin upang matiyak ang seguridad ng mga deboto.
Inihayag naman ni Banaag na nakatitiyak ang mga deboto na pinoprotektahan sila ng pamahalaan laban sa terror attack.
First aid stations
Patuloy ang pagtutok ng Philippine Red Cross sa traslacion ng imahen ng Itim na Nazareno sa Maynila.
Ayo kay Von Ong, Officer-in-Charger-Safety Services ng Philippine Red Cross, nasa paligid lamang ng mga rutang daraanan ng traslacion ang kanilang mga first aid stations.
Nakakalat din anya ang kanilang mga volunteer para tumulong sa mga posibleng masugatan, mahilo at makaranas ng iba pang medical condition.
May mga naka-antabay ding ambulansya sakaling kailangan ng dalhin sa mga pagumatan ang mga deboto.
By Drew Nacino | Jaymark Dagala