Kapwa nakikiisa ang Armed Forces of the Philippines (AFP) at ang Philippine National Police (PNP) sa lahat ng mga kapatid na Muslim sa pagdiriwang ng Eid’l Fitr o pagtatapos ng banal na buwan ng Ramadan.
Ayon kay AFP Chief of Staff General Filemon Santos Jr., umaasa silang makapagdiriwang pa rin ang mga kapatid na Muslim ng Eid’l Fitr sa kabila ng mga ipinatutupad na quarantine protocols na nangangailangan ng social distancing.
Tiniyak din ng AFP na patuloy silang magbabantay para siguruhing mapananatili ang kapayapaan at kaayusan sa mga liblib na lugar sa bansa at hindi ito kunin ng mga bandido upang makapaghasik ng karahasan.
Sa panig ng PNP, sinabi ng tagapagsalita nito na si P/BGen. Bernard Banac na nakikiusap sila sa lahat ng mga kapatid na Muslim na sundin ang mga panuntunan ng pamahalaan upang maiwasang kumalat ang coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa kasagsagan ng kanilang pagdiriwang.
Tututukan din ng PNP ang mga pampublikong lugar sa bansa upang maiwasan ang mass gatherings tulad ng mga open spaces na nakagisnan na ng mga Muslim na duon magdaos ng panalangin at pakikiusapan ang mga ito na gawin na muna sa kanilang mga tahanan lahat ng uri ng pagsamba.