Pinadadalo sa isasagawang special session ng Kongreso ang mga opisyal ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) sa Batasan sa Sabado.
Ayon kay House Majority Floor Leader Rodolfo Fariñas, ito ay upang makapagbigay ang AFP at PNP ng security briefing sa sitwasyon at estado ng umiiral na martial law sa Mindanao.
Giit ni Fariñas, kailangan ng Kongreso ng update mula sa militar at pulisya para maging batayan sa hinihiling ni Pangulong Rodrigo Duterte na extension ng batas militar.
Paliwanag naman ng mambabatas, kanila pang pag-bobotohan kung sa public hearing o sa executive session magbibigay ng briefing ang militar at pulisya.
Sotto tiwalang kakatigan ng mayorya ng mga mambabatas ang hiling ng Pangulo
Tiwala si Senate Majority Floor Leader Tito Sotto na kakatigan ng mayorya ng mga mambabatas ang hiling ni Pangulong Rodrigo Duterte na palawigin ang umiiral na martial law sa Mindanao.
Ayon kay Sotto nabanggit sa kanila ng Pangulo sa ginanap na pulong kagabi ang sitwasyon din sa Zamboanga at Jolo na dahilan kung bakit kailangan pang palawigin ang martial law sa buong Mindanao.
Aniya, sa idadaos na special session sa Sabado para talakayin ang nasabing usapin ay kanilang iiwasan ang pagkakaroon ng mahabang debate dahil sa kritikal ang sitwasyon sa Mindanao partikular sa Marawi City.
Dagdag ni Sotto, isa sa pagtataluanan sa special session ay kung magsasagawa sila ng voting jointly o separately bukod pa sa mga dahilan ng pagpapalawig sa batas militar.
Atienza suportado ang hiling ng Pangulo
Suportado ni Buhay Partylist Representative Lito Atienza ang hiling ni Pangulong Rodrigo Duterte na palawigin pa ang umiiral na batas militar sa Mindanao.
Sa isang punong balitaan sa Maynila, sinabi ni Atienza na kabilang siya sa mga mambabatas na inanyayahan ng Malakanyang para sa pagpupulong kasama ang Pangulo kagabi.
Aniya, mismong si Pangulong Duterte ang nakiusap sa kanila na kakailanganin pa nito ng ilan pang mga araw para tuluyang matuldukan ang kaguluhan sa Marawi City.
Giit pa ni Atienza na dapat ay pagkatiwalaan ang Pangulo dahil ito lang aniya ang nakakaalam ng tunay na sitwasyon ng seguridad sa Marawi City.
- Krista De Dios | Story from Jill Resontoc / Cely Bueno / Aya Yupangco