Posibleng mauwi sa pag – atras ng suporta ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) kay Pangulong Rodrigo Duterte ang one (1) year extension ng martial law sa Mindanao at pinangangambahang implementasyon nito sa buong bansa.
Ibinabala ni Communist Party of the Philippines (CPP) Founder Jose Maria Sison na maaaring kumilos upang pabagsakin ang Duterte administration ang mga paksyon sa AFP at PNP na hindi kuntento sa pamumuno ni Pangulong Duterte.
Tiyak aniyang matutuwa ang CPP – NPA dahil malilimitahan ang pagdanak ng dugo kasabay ng posibleng pagbabalik ng peace negotiations sa ilalim ng isang bagong pangulo o transitory people’s commission.
Dahil din aniya maaaring ipatupad sa buong bansa hindi lamang sa Mindanao ang martial law, posibleng malampasan ng kasalukuyang administrasyon ang mga nagawang paglabag ng diktaduryang Marcos sa civil, political, economic, social at cultural rights sa mga taumbayan.
1 – year martial law extension welcome sa Marawi City Mayor
Welcome kay Marawi City Mayor Majul Usman Gandamra ang pag – apruba ng Kongreso sa hirit ni Pangulong Rodrigo Duterte na isang taong martial law extension sa buong Mindanao.
Ayon kay Gandamra, batay sa kanilang isinagawang konsultasyon sa mga residente at ilang opisyal ng Marawi City, mayorya sa mga ito ang pabor sa pagpapalawig ng batas militar.
Dagdag pa ni Gamdamra, mahalaga din aniya ang martial law para matugunan ang ulat na nagre – recruit ng mga bagong miyembro ang Maute terror group sa ibang bahagi ng Mindanao.
Pinawi din ni Gandamra ang mga pangambang posibilidad ng mga paglabag sa karapatang pantao ng militar dahil sa pagpapalawig ng martial law sa rehiyon.
Iginiit ng alkalde na mga sabi – sabi lamang ang kanyang naririnig na mga umano’y pag – abuso ng militar pero wala pa siyang natatanggap na reklamo.