Nagbigay na ng ultimatum ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sa mga miyembro ng Abu Sayyaf.
Ayon kay AFP Chief of Staff General Ricardo Visaya, dalawa lamang ang puwedeng pagpilian ng ASG, ang sumuko o mapatay.
Sinabi ni Visaya na handa nilang tanggapin ang mga susukong miyembro ng Abu Sayyaf subalit sa kundisyong, palalayain nila ang lahat ng kanilang bihag.
Nagbanta si Visaya na kung hindi ito gagawin ng Abu Sayyaf, hindi sila tatantanan ng militar hanggang sa sila ay maubos.
Batay sa datos ng AFP, 23 pa ang hawak na bihag ng Abu Sayyaf, 16 dito ang dayuhan at 7 ang Pilipino.
Zamboanga port
Samantala, mas hinigpitan pa ang seguridad sa Zamboanga Port matapos makaaresto ng tatlong (3) hinihilang miyembro ng Abu Sayyaf Group.
Sa mga kalye pa lamang patungo ng pantalan, nakalatag na ang checkpoint ng mga pulis at militar na armadong matataas na kalibre ng baril at kasama pa ang K-9 units at bomb squad.
Matinding inspection rin ang dinaraanan ng mga pasahero pagdating sa pantalan.
Nakabantay rin ang mga sundalo at Coast Guard sa mga bumababang pasahero mula sa mga dumarating na barko galing ng Isabela Basilan, Jolo Sulu at iba pang lugar.
By Len Aguirre | Jonathan Andal (Patrol 31)