Blangko pa ang Armed Forces of the Philppines (AFP) sa report ng Associated Press na kumita ng 353 million pesos o 7.3 million dollars ang Abu Sayyaf sa unang anim na buwan lamang ng 2016.
Ayon kay AFP Spokesman Brig. General, Restituto Padilla, hindi niya pa nakikita ang nasabing report kaya hindi niya pa ito makukumpirma.
Pero una nang nanindigan ang militar na ang matinding opensiba laban sa ASG ang dahilan ng pagpapalaya sa mga bihag at mahigpit nilang ipinaiiral ang no ransom policy.
Ayon pa kay Padilla, sa ngayon, hindi tumitigil ang opensiba ng militar laban sa mga bandido.
Pero umiiwas muna anya ang Abu Sayyaf ngayon kaya wala nangyayaring enkwentro sa Mindanao.
Maliban sa kinita ng Abu Sayyaf, lumabas sa report ng Associated Press na mas nakatutok na ngayon ang ASG sa pagdukot ng mga dayuhang sakay ng tug boats na dumaraan sa boundaries ng Pilipinas, Malaysia at Indonesia.
By Len Aguirre | Jonathan Andal (Patrol 31)