Welcome sa Armed Forces of the Philippines (AFP) ang panawagan ni Senador Panfilo Lacson na imbestigahan ang umano’y red-tagging ng militar sa ilang personalidad.
Ito’y kasunod ng binitiwang pahayag ni National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) Spokesman at Southern Luzon Command Chief Lt/Gen. Antonio Parlade kina Liza Soberano, Angel Locsin at Ms. Universe 2018 Catriona Gray dahil sa tila pagkiling umano ng mga ito sa grupong Gabriela.
Ayon kay AFP Spokesman Marine M/Gen. Edgard Arevalo, isang napakagandang pagkakataon ang ginawang panawagan ng senador upang marinig sa tamang forum ang kanilang panig.
Nagpapasalamat din ang AFP sa senador dahil matatalakay na sa wakas at maiaangat ang kamalayan ng publiko hinggil sa mga mapanlinlang na gawain ng komunistang grupo na nagtatago sa maskara ng pagiging umano’y makabayan.
Dahil dito, asahan ng publiko na kanilang ilalahad sa madla ang ginagawang panloloko ng mga maka-kaliwang grupo para palabasing sila ang malinis at makabayan gayong sila mismo ang may itinatagong agenda laban sa pamahalaan.