Opisyal nang idineklara ng AFP o Armed Forces of the Philippines na tapos na ang digmaan sa pagitan nila at ng MILF o Moro Islamic Liberation Front.
Ginawa ni AFP Chief of Staff General Carlito Galvez ang pahayag makaraang tumapak ito sa kauna-unahang pagkakataon sa Camp Darapanan, sa bayan ng Sultan Kudarat sa Maguindanao kahapon.
Ayon sa AFP Chief, panahon na para kilalanin ang mga naging ambag ng Bangsamoro sa lipunan at dapat na igalang ang kapayapaan matapos ang deka-dekadang digmaan kung saan, milyong buhay na ang ibinuwis.
Kasunod nito, inimbitahan din ni Galvez ang mga opisyal ng MILF sa pangunguna ni Al Hajj Murad Ebrahim na bumisita sa Kampo Aguinaldo sa Quezon City bilang pagtugon sa kanilang panawagang kapayapaan.
Magugunitang nagsilbing chairman din si Galvez ng Coordinating Committee on the Cessation of Hostilities bago ito maging commander ng WesMinCom o Western Mindanao Command ng AFP.
“Today I can now declare that the war between the Armed Forces and the MILF is finally over. To my Commanders, let us embrace our brothers and sisters and give them respect and lasting peace that the Moro people deserve” — Pahayag ni General Galvez.