Nabakunahan na ang may 500 sundalo na nasa ilalim ng A4 priority category sa COVID-19 vaccine sa Lapu-Lapu Grandstand, Kampo Aguinaldo ngayong araw.
Unang nagpabakuna si Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff General Cirilito Sobejana na sinundan ng iba pang matataas na opisyal ng Militar.
Ayon sa AFP chief, ang 500 doses ng Sinovac vaccine ay paunang alokasyon pa lamang na natanggap ng AFP para sa A4 category subalit nasa 9,000 doses ang inilaan para sa kanila ng gobyerno at may inaasahan pang karagdagang 6,000 doses naman ng AstraZeneca.
Una nang nakatanggap ng 70,000 vaccine allocation ang AFP para sa mga tauhan nitong pasok sa A1, A2 at A3 priority category.
Paglilinaw pa ni Sobejana, para lamang sa Kampo Aguinaldo ang 500 doses na itinurok ngayon at maghihintay pa sila ng bakuna para sa iba’t-ibang AFP service units tulad ng Army, Navy at Air Force na pasok sa A4 category.—ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9)