Nagbabala si Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief General Rey Leonardo Guerrero ng panunumbalik ng kaguluhang tulad ng naganap sa Marawi City kung ipapawalang bisa ang umiiral na martial law sa buong Mindanao.
Iginiit ni Guerrero na magkakaroon ng malaking epekto sa kanilang mga isinasagawang operasyon kung tatanggalin ang martial law lalo’t nakadepende aniya sila sa kapangyarihan ng batas militar.
Sinabi pa ni Guerrero, ilan sa mga posibleng maapektuhan nito ay ang kanilang paglalagay ng mga checkpoint, pagpapatrolya at pagpapaigting ng military operations sa Mindanao.
Magugunitang, ilang magkakahiwalay na petisyon ang inihain ng mga human rights group at oposisyon sa Korte Suprema na kumukwestiyon sa pag-apruba ng isang taong martial law sa Mindanao.
Pinag-aaralan na ng Korte Suprema na isalang sa oral argument ang isinampang petisyon ng mga tumututol sa martial law extension sa Mindanao.
Sa impormasyon na nakalap ng DWIZ patrol mula sa mapagkakatiwalaang source, sinabi nito na sa isasagawang Special En Banc ng mga mahistrado ng Supreme Court (SC) ngayong Martes, Enero 9, ay tatalakayin nila kung dapat bang isailalim sa argumento ang naturang usapin.
Nakatakda namang gumawa ng draft resolution sa kaso si Associate Justice Noel Tijam.