Nakatakda nang umupo bilang bagong Superintendent ng Philippine Military Academy (PMA) si Rear Admiral Allan Cusi ngayong araw kapalit ng nagbitiw na si Lt/Gen. Ronnie Evangelista.
Pangungunahan ni Defense Secretary Delfin Lorenzana at Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff Lt/Gen. Noel Clement ang turn over ceremony sa Borromeo field ng PMA sa Fort Gregorio Del Pilar, Lungsod ng Baguio alas 10 ngayong umaga.
Ayon kay AFP Spokesman Marine B/Gen. Edgard Arevalo, mahigpit ang tagubilin ng AFP Chief kay Cusi na gumawa ng positibong pagbabago sa akademiya upang mabura na ang kultura ng karahasan sa isip ng mga kadete.
Bago italaga si Cusi bilang PMA Superintendent, nagsilbi muna siyang Commander ng Naval Education, Training, and Doctrines Command ng Philippine Navy at minsan na ring nanungkulan sa Tactics Group ng PMA.
Dahil dito, sinabi ni Arevalo na kumpiyansa ang liderato ng AFP na magiging maayos ang pamumuno ni Cusi sa PMA at alam nitong maigi kung paano malilinis ng tuluyan ang dungis na idinulot ng pinakabagong kaso ng maltrearment sa mga kadete nito.
Si Cusi ay mistah ng kaniyang pinalitang si Evangelista na kapwa kabilang sa PMA Sinagtala Class of 1986.