Hindi pa rin ligtas si Senador Antonio Trillanes IV sa posibilidad na mapaharap sa general court martial ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
Ayon sa isang mapagkakatiwalaang source sa AFP na tumangging magpabanggit ng pangalan, maingat na pinag-aaralan ngayon ng kanilang hanay ang kaso ni Trillanes sa court martial habang nakabinbin pa sa civilian court ang iba pang kaso nito.
Sinabi din ng source na may kapangyarihan pa rin ang Military Court na iparesto ang senador kahit pa wala na ito sa tungkulin bilang navy officer ngayong ipinawalang bisa ni Pangulong Rodrigo Duterte ang iginawad na amnesty sa kaniya.
Gagamitin din umanong jurisprudence o batayan ng afp ang kaso ni retired Brig. Gen. Francisco Gudani na isinalang pa rin sa court martial nuong 2006 matapos suwayin ang utos ng nuo’y AFP chief of staff Gen. Generoso Senga.
Magugunitang pinagbawalan ni Senga si Gudani na humarap sa pagdinig ng Senado kaugnay ng ‘hello garci scandal’ kahit pa nagretiro na ito sa tungkulin.