Nakatakda nang magretiro sa serbisyo si Armed Forces of the Philippines o AFP Chief of Staff Gen. Cirilito Sobejana kasabay ng kaniyang ika-56 na kaarawan sa Sabado, Hulyo 31.
Ito’y ayon sa AFP Public Affairs Office ay kasunod na rin ng paghahanda para sa Change of Command Ceremony para sa bagong AFP Chief na gagawin sa Lapu-Lapu Grandstand, Kampo Aguinaldo.
Batay sa inihandang programa, pangungunahan ni Defense Sec. Delfin Lorenzana ang programa sa retirement honors at change of command ceremony, maliban na lamang kung magpasya si Pangulong Rodrigo Duterte na dumalo rito.
Kasalukuyan pang hinihintay ang magiging desisyon ng Pangulo sa kung sino sa mga kandidatong isinumite ng AFP Board of Generals ang kaniyang pipiliing maging kapalit ni Sobejana.
Anim na buwan nanungkulana si Sobejana bilang ika-55 AFP Chief of Staff mula nang maupo siya sa puwesto nuong Pebrero a-kuwatro ng taong kasalukuyan.—ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9)