Nakahanda ang militar sa posibleng buwelta ng Maute group matapos sumakabilang buhay si Cayamora Maute, ang ama ng magkapatid na lider ng Maute group.
Ayon kay Brigadier General Restituto Padilla, Spokesman ng AFP o Armed Forces of the Philippines, tatlong scenario ang nakikita nilang puwedeng maging reaksyon ng Maute brothers sa pagkamatay ng kanilang ama.
Una aniya ay gamitin itong propaganda upang paratangan ang pamahalaan ng pagpapabaya sa kanilang ama habang ito ay nakakulong.
Pangalawa ay puwede itong gamitin para makumbinsi ang kanilang mga kasamahan na ipaghiganti si Cayamora.
At ang pangatlo aniya ang mas pinangangambahan nilang mas matindi at mapusok na pakikipagdigma ng Maute.
“Karamihan ng reaksyon ay maaaring manggaling mismo sa loob ng Marawi dahil nandiyan ang magkakapatid at hindi namin ine-expect na ito’y mangyari sa ibang lugar, kung meron man ay handa naman tayo, proactive ang ating monitoring ng lahat ng maaaring mangyari o galaw ng mga ibang elemento na nasa ibang lugar kung meron man.” Ani Padilla
Dahil dito, nagbabala si Padilla na posibleng lalong maging matindi ang labanan sa Marawi City dahil patuloy na ring lumiliit ang iniikutang lugar ng Maute group.
“Hindi tayo nagbibigay ng anumang eksaktong petsa sa lugar na pinagkukubkuban ng karamihan sa mga ito na ang bilang ay patuloy na lumiliit ang ating inaasahan ay nalalapit na ang kanilang mga huling araw.” Pahayag ni Padilla
By Len Aguirre / Ratsada Balita Interview
Photo Credit: PCO