Binisita naman ni Australian Prime Minister Malcolm Turnbull ang AFP Headquarters sa Camp Aguinaldo, kahapon bilang bahagi ng pakikipagtulungan ng Australia sa Pilipinas sa paglaban sa terorismo.
Sinaksihan ni Turnbull ang sampung minutong counter-terrorism drill ng tinatayang dalawampung sundalong Filipino at Australiano.
Binigyan ang Australian Prime Minister ng briefing ng mga opisyal ng Armed Forces of the Philippines at Department of National Defense hinggil sa pagtatapos ng limang buwang sagupaan sa Marawi City.
Isa ang Australia sa mga bansang tumulong sa Pilipinas na mapagtagumpayan ang giyera kontra Maute-ISIS sa Marawi sa pamamagitan ng pagpapadala ng surveillance aircraft upang mangalap ng impormasyon hinggil sa mga kalaban.