Aminado ang Armed Forces of the Philippines o AFP na hindi nila kayang bantayan ang mga galaw ng bandidong Abu Sayyaf na nagkukuta sa Sulu at Tawi-Tawi.
Ito’y makaraang kumpirmahin ng Philippine National Police o PNP na tinututukan nila ngayon ang grupo ni ASG leader Alhabsy Misaya na nakapasok na sa Cebu na dumaan sa Zamboanga Del Norte at Negros Oriental.
Ayon kay AFP public affairs office chief Col. Edgard Arevalo, kulang sa mga kagamitan ang militar partikular na sa Western Mindanao para manmanan ng todo ang galaw ng mga bandido.
Gayunman, tiniyak ni Arevalo na ginagawa nila ang lahat para bantayan ang kilos ng mga bandido sa pamamagitan ng pagpapatrulya ng Philippine Navy sa karagatang nakapaligid sa Mindanao.
By: Jaymark Dagala