Iginiit ng Armed Forces of the Philippines na hindi kailangan ang loyalty check sa kanilang hanay sa gitna ng girian nina Pangulong Ferdinand Marcos jr. at Vice President Sara Duterte.
Sa press briefing sa Camp Aguinaldo, muling binigyang-diin ni AFP Spokesperson Colonel Francel Margareth Padilla ang pahayag ni AFP Chief of Staff General Romeo Brawner Jr., na mananatiling tapat ang militar sa konstitusyon at sa chain of command.
Ayon kay Colonel Padilla, nahaharap ang pilipinas ngayon sa malaking hamon kaya’t bilang tagapagtiyak ng national stability, tungkulin ng AFP na manatiling walang pinapanigan at ialay lamang ang katapatan sa bansa.
Samantala, nang tanungin naman kaugnay sa banat ni dating pangulong Rodrigo Duterte na dapat magkaroon ng military intervention sa gitna ng inilarawan nitong “Fractured governance”, sinabi ni Colonel Padilla na direktiba sa kanila ang maging propesyunal at umiwas sa anumang isyung politikal. – Sa panulat ni Laica Cuevas