Aminado ang militar na nananatili ang banta ng terorismo sa Mindanao sa kabila ng pagka-ubos na ng Maute-ISIS group na nagtangkang sumakop sa Marawi city.
Gayunman, tiniyak ni Major General Restituto Padilla, Spokesman ng Armed Forces of the Philippines o AFP na hindi nila papayagang maulit pa ang nangyari sa Marawi.
Sa ngayon aniya ay nagpapatuloy ang operasyon ng militar sa iba’t ibang bahagi ng North Cotabato para tugisin ang maliliit na grupo na gustong maghasik ng terorismo.
Ayon kay Padilla, bagamat hindi nila makumpirma, hindi sila magtataka kung mayroong mga dayuhang terorista na tumutulong rin sa mga grupong ito lalo na sa paggawa ng bomba.
Una nang napaulat ang di umano’y pagkakabuo ng isa pang terror cell sa Cotabato City.
“Hindi sila kasing-laki ng puwersa ng sumalakay sa Marawi ang sinasabi natin na ang mga pangyayari tulad sa Marawi ay hindi na po mauulit at hindi na natin papayagan, may mga nananatiling banta ng mga pagsalakay pero hindi na sila kasing-lakas o kasing-laki ng puwersa tulad ng mga nangyari noong nakaraang buwan, yung banta ng pag-atake ay nananatili yan pero ang probability na ito’y mangyayari ay mababa.” Ani Padilla
‘Bantay-karagatan’
Samantala, target ng AFP na mapalawak pa ang pagtutulungan ng mga bansang kasapi ng ASEAN o Association of Southeast Asian Nations sa pagbabantay ng karagatan sa rehiyon.
Ayon kay Padilla, nasimulan na nila ito sa kanilang trilateral agreement kasama ang Malaysia at Indonesia.
Nagpahayag na rin aniya ng kahandaan ang Singapore at ang Brunei na pumasok sa kahalintulad na kasunduan.
Maliban dito, sinabi ni Padilla na tiyak na malaking tulong kung mabubuo na ang code of conduct sa pagitan ng mga may inaangking teritoryo sa South China Sea.
“Nagpapatuloy na sa ating inilunsad na trilateral agreement with Indonesia and Malaysia upang pangalagaan ang ating areas of maritime concern diyan sa may southern factor natin, nasimulan na natin ito at nakita natin na nag-express na ng interest ang Singapore at Brunei at iba pang mga bansa upang maging kalahok sa ating ginagawang aktibidad lalo na diyan sa mga delikadong lugar kung saan naglalayag ang sailors at ating merchant ships.” Pahayag ni Padilla
(Ratsada Balita Interview)