Mariing ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Armed Forces of the Philippines (AFP) na gamitin ang lahat ng assets nito para sa patuloy na operasyon sa Maguindanao na apektado ng flash floods at landslides sa pagtama ng Bagyong Paeng.
Ayon kay Major General Roy Galido ng 6th Infantry Division ng Philippine Army, nakatutok ang kanilang assets sa paghahatid ng relief goods at iba pang mga pasilidad para sa mga apektadong residente.
Maghahatid aniya sila ng Water Purification o Filtration System na manggagaling pa rito sa Metro Manila at ibibiyahe patungong probinsya sa pamamagitan ng kanilang C-130.
Sila aniya ang nakatoka sa transportasyon o manpower, engineering, at equipment tulad ng back hoe at dump trucks, partikular sa mga lugar na nagkaroon ng pagguho ng lupa.
Dahil sa mga nasirang tulay, gagawin namang mano-mano ng mga sundalo ang pagdadala ng relief goods sa mga evacuation centers.
Muli ring nangako si Galido na makararating ang serbisyo sa mga nangangailangan sa naturang lalawigan. - sa ulat mula kay Gilbert Perdez (Patrol 13).