Kinansela ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang kanilang isasagawang imbestigasyon hinggil sa pagpapabakuna ng mga miyembro ng Presidential Security Group (PSG) gamit ang hindi rehistradong coronavirus disease 2019 (COVID-19) vaccine.
Ayon kay AFP Spokesperson Major General Edgard Arevalo, ipinag-utos ito ni AFP Chief of Staff General Gilbert Gapay kasunod ng pinakahuling pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa lingguhang ulat sa bayan ng pangulo nitong Lunes ng gabi, kanyang inatasan ang PSG na huwag magbigay ng impormasyon hinggil sa kanilang pagpapabakuna kontra COVID-19 sakaling ipatawag sila sa isang pagdinig.
Nagbabala din si Pangulong Duterte sa posibilidad ng pagkakaroon ng krisis sa pagitan ng ehekutibo at lehislatibo, oras na gamitin ng mga mambabatas ang kanilang kapangyarihan na mag-contempt laban sa PSG.
Una na ring sinabi ni Arevalo sa isang panayam na mawawalan na ng saysay ang isasagawang pagsisiyasat ng AFP kung hindi rin papayagang humarap at mng humarap at magsalita ang PSG.
Nakatakda sanang simulan ng AFP ang kanilang imbestigasyon ngayong araw sa pangunguna AFP ni Inspector General Lt. General Franco Nemecio Gacal. —ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9)